Travelling Incognito: Chapter 4

Kinagabihan, niyaya sila nina France magbar sa Sofitel, na agad naman sinang-ayunan ng mga girls para malibang si Mischele.  Kausap pa rin kasi ni Mhy si France nang dumating ang MMS na ‘yon.  Natunghayan ni France ang naging reaksiyon ni Mischele at ang pagdaloy ng mga luha mula sa mga mata ng dalaga. 

Fortunately, kapupunta lang nina Liam at June sa kanilang mga cottages kaya di nila nakita ang pag-break down ni Mischele.  In the process, si France lang ang nakaalam ng kuwento sa likod ng pagbabakasyon ng mga girls.  Habang pinagpahinga nila si Mischele sa kwarto, plinano na nila ang kanilang gagawin sa gabing ‘yon.  Sa wakas, may bago nang kakampi sina Mhy, Athena at Kriza sa kanilang plano.

“We need to stage situations na pwedeng magpalapit pa sa kanila,” sabi ni France. “And isa sa mga sitwasyong iyon ay mag-uumpisa ngayong gabi.”

Hindi sinabi ni France ang balak niya.  Basta binilinan lang niya ang mga girls na maghanda ng magandang party dress. Ang natitirang oras nila ng hapon na ‘yon ay nilaan nila para mag-shopping ng mga damit.  Literal na kinaladkad nila si Mischele sa malapit na mall.  Pinilit nila itong bilhin ang isang hot red na damit na alam nilang bagay naman dito.

Habang kumakain sila ng dinner, nakatanggap ng message si Mhy mula kay France na nagsasabing susunduin niya ang mga ito ng alas nuwebe dahil magbabar sila sa Sofitel.  Natuwa naman ang mga girls.

“Pwede bang pass muna ako?” tanong ni Mischele.  Nanghihina pa rin sa ideyang isang buong taon—o marahil ay higit pa—na siyang niloloko ng kasintahan.  Naalala niya pa rin ang gabing nag-usap sila.  Wala raw... interesado pa lang raw...

“At ano? Iiyakan mo nanaman ang Fritz na iyon nang bonggang bongga?!  Sayang ang mga luha mo, Shelley.  Di ka bagay maging zombie kahit na lagi mong ginagawa ‘yon.  You’re still young at puno ng buhay.  Eh ano kung di niya nakayanan ang consequences ng trabaho mo? Dahilan ‘yon?”  Bibihira lang magbigay ng saloobin si Athena, pero sa oras na iyon buhay na buhay ang dugo niya.  Nagagalit siya dahil kaibigan niya rin si Fritz...nilang lahat.  Pakiramdam niya pati sila pinindeho.  Nagagalit siya dahil nakikita niya ang pagkaka-upos ng isa sa pinakamatalik niyang kaibigan.

“Tama si Ena, girl.  He’s not worth it... well,  maybe he is... but sa opinion namin hindi, eh,” magulong opinyon naman ni Kriza.  Maski siya naguluhan din sa mga sinabi.

“Ano ka ba, Krizh?” naiinis na saway ni Mhy sa pinakabatang miyembro ng kanilang grupo.
           
“Look, nasa bakasyon tayo.  Kaya ka nga nagbakasyon on the first place para makalimutan mo siya di ba?  At believe me, mas madali mo na siya makakalimutan ngayon dahil sa picture na iyon.  Kung sino mana ang nagpadala no’n nagpapasalamat pa ako dahil may visual aide siyang ibinigay para suportahan ang pagmo-move on mo.”

Tumango-tango si Mischele, unti-unting nagkakaroon ng buhay ang isang maliit na ningas sa kalooban niya.  Oo nga naman, sabi niya sa sarili.  Bakit nga ba ako malulungkot pa?  May dapat pa bang ikagulat sa larawang ‘yon.  Buti nga nauna pa siyang nakipag-break bago dumating ang letseng picture na ‘yon sa cell phone niya.  At least ngayon nasa maganda akong environment, kasama ng mga tapat kong kaibigan at may bonus pang mga cuties. 

Oras na para ilabas itong other part of her na nakatago lagi... apart from being Blue Rose na author side niya or plain, faithful Mischele.  Oo, it’s time for the other part of her to shine. 

“Okay, I’m convinced.  Let’s party tonight,” deklarasyon niya.  At lahat sila ay pumalakpak sa sobrang tuwa.

----------------------------------------------------------------------------------------------

Ibang iba ang itsura ni Mischele ng gabing ‘yon.  Nag-uumapaw ang kaniyang sex appeal.  Maski siya halos di maniwala nang humarap sa salamin.  Ibang aura ang inilalabas sa kaniya ng red dress na ‘yon at ng rouge lipstick.  Her usually wild mane was arranged in a fashionably wild style.  Gone are the blues of Blue Rose (ang kaniyang pen name) tonight.  She’s a girl on fire tonight.  At ipinapangako niyang magpapakasaya siya kasama ng kaniyang mga kaibigan.

Lalabas na sana siya ng kwarto nang nakitang nagflash ang picture nila ni Fritz, indicating a call for ‘his truly.’ 

“Ang kapal,” di niya maiwasang sambitin.  Mabuti na lang busy pa ang mga girls.  Sinagot niya ang call.  Hindi siya duwag at magpapakita ng pagkaapekto.  Sasabihin din niya kung gaano katanga ito para pakawalan siya.

“Oh, napatawag ka.” Bungad niya.  Ito ang pinaka-best niyang kaswal na tono.

“Shelley, nasa Thailand ka raw?” tanong nito mula sa kabilang linya.

“Sorry, nakalimutan ko nga palang i-unfriend ka sa facebook.  Still stalking me, aren’t you?  Hindi ba magseselos ‘yung girl na kahalikan mo last year?”

Natahimik ang kausap niya.  Halos marinig niya ang pagsinghap nito at pagkamot nito ng ulo.  Bingo! Para kang nasikmuraan siguro, ‘no?

“I’m so sorry, Shelley...”

“Don’t be. ‘Coz I’m not.”  Binaba niya ang phone.  Di siya iiyak, di siya iiyak, pangungumbinsi niya sa sarili.  At di nga siya naiyak.  Parang naging tigang bigla ang mga mata niya.  May naisip siyang bigla.

“Maglaway ka over this!” sabi niya sabay snap sa kaniyang sexy pose.  Ipinadala niya ito kay Fritz, bago tuluyang pinatay ang cell phone at initsa sa gitna ng kaniyang kama.  Iniisip niyang bumili ng bagong number pagkabalik mismo sa Pilipinas.  Meanwhile, iboblock niya na lang muna ang numero ng dating nobyo. 

“Ano ‘yun?”  Nakita pala ni Kriza nang mag-selfie siya at iitsa ang phone sa kama.

“Ah ‘yun ba? That’s for someone who’ll regret that he rejected this masterpiece.” Ikinumpas niya ang mga kamay, tinutukoy ang sarili.

“That’s my girl!” masayang bati ni Kriza at nag-apir pa ang dalawang magkaibigan.

“Let’s go.” At tuluyan na niyang ipinid ang pinto ng kaniyang silid, kasabay ang pagpinid ng kaniyang puso sa lalaking dati niyang minahal.

-------------------------------------------------------------------------------------------

Napanganga ang mga boys sa transformation ng mga girls.  Gone were the girls-next-door nilang mga kasama.  Sexy sirens ang mga kasama nila nang gabing ‘yon.  Kahit na sanay sina Liam at France na makakita ng mga  naggagandahang mga babae, iba pa rin ang naging reaksiyon nila sa kanilang mga crush.  Si June naman ay nahihiyang nag-hi kay Athena, na sobra rin ang pagbu-blush nang bigyan siya ng compliment ng binata.

Sa loob ng bar, halos bakuran nilang tatlo ang mga kasamang dalaga.  Attention-getter kasi ang mga ito.   Walang epekto naman sa mga kasama nila ang mga tingin ng mga nasa bar, maliban kay Kriza na madaling maconscious.  Nang dumating na ang kanilang order, agad din silang nagpaka-busy sa pag-uusap over their drinks.  Nasa isang eksklusibo silang sulok kaya wala silang pakialam sa mga pangyayari sa paligid.  Ninamnam lang nila ang inumin, pulutan, kakaibang musika sa lenggwahe ng mga Thai at pag-uusap. 

“This should be the best night ever!” madramang deklarasyon ni Mischele, halatang pilit nilulunod ang sarili sa pinagsama-samang elemento sa loob ng bar.  “Cheers!” At lahat naman ay nakiayon sa kaniya. Tatawa-tawa lang ang dalawang guys pero nag-aalala si Liam.  Sanay siyang tahimik lang si Mischele kaya naman naninibago siya sa ginagawi nito nang gabing ‘yon.

“Hinay-hinay.  Let’s dance,” sabi ni Liam at hinatak sa dance floor si Mischele.  Dahil medyo tipsy na si Mischele (madali lang pala malasing), walang reklamo siyang sumunod kay Liam at sumayaw kasama ang isa sa pinakasikat na aktor ng Pilipinas.

Sa dance floor, nagpakitang gilas si Mischele.  Magaling naman siyang sumayaw—may moves, ika nga—pero  ito ang isa sa mga talento niyang pilit na lang itinago.  Nagulat naman si Liam sa kembot ng kasayaw.  Di niya inaasahang magaling ito dahil may pagka-homely nga ang dalaga.

“This is great! I’ve never been able to dance with someone popular before,” sabi ni Mischele, nagdadaldal nang husto dahil mas lumalakas ang epekto ng alak sa kaniyang sistema.  Natatawa siya dahil may kung anong meron sa musika na nagpapagaan lalo ng kaniyang pakiramdam kaya gusto niya pang magdaldal kay Liam.

“Maliban doon sa ex kong akala ko hanggang huli kami.  I’ve never danced with a hottie before.  You see... I’m this plain, boring Shelley na nagkakaroon lang ng excitement ang buhay kapag nagsusulat.  Even my pen name is pretty blue... Blue Rose.”

“Whoa- wait... you’re the Blue Rose?  I mean the writer Blue Rose?”  Tuluyan nang napahinto si Liam sa pagsayaw.  Masyadong maraming sorpresa si Mischele para sa kaniya nang gabing ‘yon, at maging siya nahihirapang ipasok lahat ng natuklasan sa kaniyang sistema.

“Yes,” sabay pingot ni Michele sa ilong ni Liam.  Ewan ba niya pero talagang gustong-gusto niya ang ilong ng aktor.  Kung pwede nga lang masabing pinaglilihian niya ito, parang ganoon kasi ang kaniyang pakiramdam.  Ang malala pa, pakiramdam niya huminto ang oras at ang nawala ang mga maingay sa paligid.  Nawala ang mga nagsasayawang katawan na gumigitgit sa kanilang dalawa sa gitna ng dance floor.

“Bakit mo pinaalis ang iba, Liam?  Walang ganyanan.  You’re spoiling their fun.” Kunwaring pagsaway niya sa kasayaw at nakuha pang humaghikhik.  Nakita niyang namilog ang mga mata ni Liam at hinilig muli ang ulo sa kanan. 

Bakas sa mukha ni Liam ang labis na pagtataka sa tinuran ni Mischele.   Siguro, lasing na talaga itong babaeng ‘to.  Imbis na dalhin pabalik sa kanilang table, he had this crazy notion to dance with her hanggang sa mapagod na ang mga binti nito.  Kinuha niya ang mga kamay ni Mischele at inilagay sa kaniyang magkabilang balikat, na lalong ikinatuwa ni Mischele base sa pinakawalan nitong matitinis na halakhak.  Siya nama’y nilagay ang kaniyang mga kamay sa maliit na bewang ng dalaga.  Upbeat ang kanta but he led the girl in his arms into sweet dancing.

Bilang tugon ni Mischele, ihinilig niya ang kaniyang ulo pasandalsa dibdib ni Liam.  Maganda sa pakiramdam ang ganito sa bisig ng isang Prince Charming.  Parang pamilyar ang ganitong pakiramdam, wika niya sa kaniyang sarili.  Ganito rin ang kaniyang naramdaman noon sa college party kung saan siya unang isinayaw ni Fritz, ang ultimate heartthrob ng kanilang campus.  Naging espesyal siya nang gabing iyon.  Parang si Cinderella lang.  Nga naman, the overrated Cinderella feeling.

Agad siyang humiwalay agad kay Liam at bumalik sa kanilang table.  Kailangan pa niya ng drinks.  Di pa rin nawawala ang alaala ng estupido niyang ex.  O baka naman, pagtama niya sa sarili,  I need drink s to forget my own stupidity. 

Si Liam naman ay naiwang nakatanga sa dance floor.  What now? Gusto niyang isigaw.  Napailing siya, pakiramdam niya mababaliw na talaga siya.  Magkakagusto lang siya, sa bipolar pa!

“O, pinagod ka ni Liam, Shelley?” pabirong tanong ni June, pero di siya pinansin ng dalaga dahil inabot nito agad ang isang bote ng vodka sa harap niya at straight na tinungga ito.  Nagkatinginan silang lahat sa table, naaalarma.

“Uy! We-we-wait!”  Si Mhy ang umawat kay Mischele.  Kinuha niya ang bote mula sa kaibigan at biniro na lang ito. “Mahal to Shelley.  Share-share lang ‘pag may time, ha.”

Tawanan sila pero hindi inaalis ang kalahati ng atensiyon kay Mischele at ang kalahati naman ay hinihintay ang pagsunod ni Liam.  Lumipas pa ang ilan minuto ngunit walang Liam na bumalik sa kanilang table.  Si Mischele naman ay tahimik na tumatagay, patay malisya sa lahat, lunod sa alak at sa mga alaala.

Nag-excuse si France sandali, magc-cr lang daw, pero alam na ng lahat na hahanapin lang nito si Liam.  Mayamaya pa’y nakabalik na rin ito, nakasimangot at nakakunot ang noo.

“Liam seems to be over enjoying himself with some girls,” report nito.

Nagkatinginan silang lahat liban kay Mischele na wala pa ring pakialam sa paligid. Nag-uusap kanilang mga tingin, hanggang tumayo kapagdaka si Mhy at hinigit ang mga kaibigang babae kasama si Mischele.

“Dance tayo, girls” sigaw niya at masaya nagtitilian silang pumunta sa sayawan.  Ngunit habang nagsasayaw eh, hinahagilap na ng mga mata nina Athena, Mhy at Kriza si Liam.  Si Kriza ang naka-spot sa aktor na nililingkis ng mga mala-modelong diyosa.  Ang isa ay blondie at ang isa nama’y Thai beauty.

Parang napikon si Kriza sa nakita kaya literal siyang nagmartiya patungo sa direksiyon ni Liam at hinalbot ito.  Maski siya nagulat na nakaya niyang halbutin ang isang malaking lalaking tulad ng aktor at nagawa pang tapunan ng pamatay na tingin ang dalawang babae.

“Chill,” wika na lang ng blondie.  ‘Yun lang ang nagawa ng mga ito at kinaladkad ni Kriza si Liam papunta sa grupo nila na nakita naman ni Mhy kaya kinabig si Mischele patunong direksiyon nito.

Muntikan nang tumimbuwang ang lasing nang si Mischele buti na lang nasalo siya ni Liam na nakakunot pa rin ang noo.

“Ah!” reklamo ng tinabig.  Magrereklamo pa sana nang makita ang nakasalo sa kaniya.  “Hi, handsome!” 

Pakiramdam ni Liam unti-unti na talaga siyang tinatakasan ng bait.  Nasa bisig nanaman niya ang pinakamagandang babae sa loob ng bar pero hindi niya alam kung hanggang kailan.  Patawa-tawa ito at parang kinikilig.

“Oh, Liam bahala kaw na muna kay Mischele.  Ang kulit eh,” sigaw ni Mhy para marinig siyang mabuti ng binata.  Tiningnan lang siya ni Liam, blangko ang ekspresyon dahil hindi pa rin niya alam kung ano ang dapat maramdaman.  Pero di nagtagal natawa rin dahil sabay-sabay siyang kinindatan ng tatlong dalaga.

Bumalik na ang tatlong kaibigan ni Mischele sa table.  Lahat sila ay may satisfied look na nakapinta sa kanilang mga mukha na kitang-kita naman nina France at June.  Now, they can have their own type of enjoyment.

Nagsayaw din sina France at Mhy, June at Athena.  Nakuntento naman si Kriza na tingnan sila habang masayang uminom at nilantakan ang kanilang pulutan.  May lumapit din sa kaniya pero magalang niya itong tinanggihan.  Di nagtagal naghalinhinan naman siyang sinayaw nina June at France.

“Kuuuu, naawa lang kayo sa akin eh,” sabi niya kay France habang sumasayaw. 

“Hindi ‘no! Ano ka ba, ikaw ang aming little sister,” pagdadahilan ni France.  Noon niya lang narealize na wala nga palang kapareha si Kriza sa grupo.  Hindi niya naiwasang makaramdam ng guilt na siya namang nabasa ng dalaga kaya siniko siya nito.

“Ano ka ba, don’t worry about me.  Masaya naman akong makitang masaya kayo eh, honestly!” At itinaas pa nito ang kanang kamay, nakaharap ang palad sa kaniya tanda ng pagsasabi nito ng totoo.  Napahalakhak ng malakas si France.

“Pero alam mo, malaki ang pagkakahawig niyo ni Liam.  Para nga kayong magkapatid dalawa,” sabi ni France.  Intensiyon lang nilang ituro ang na-obserbahan niya pero napakunot ang noo niya.  Naalala niya ang sinabi ni Kriza na nalaman nitong ampon lang siya, tapos si Liam naman ay may nawawalang kapatid. 

“Oh, ano nanamang kapilyuhan ang naiisip mo Mr. Anderson?” pabirong tanong ni Kriza nang makita ang pagbabagong ekspresyon ni Liam. 

“Tama na silang dalawa nina Liam at Mischele, ha.  Leave me alone.  I can find my own knight in a shining armor.” Wala itong clue sa kung ano ang ikinunot ng noo ni France.  In-assume lang niyang kung may kung ano nanamang maruming ideya ang pumasok sa utak ng binata.  Pero sa totoo lang nang makita niya ang picture nila ni Liam sa loob ng restaurant, napansin niya ngang malaki ang kanilang pagkakahawig.  Para silang magkapatid.

“Wala naman.  May naalala lang.  Tara, shot muna tayo,” yaya niya kay Kriza.  Naiinip nanaman siya para sa kinabukasan.  Gusto niyang may malaman pa.  Sumunod naman si Kriza tutal gusto na rin niyang ipahinga ang mga binti.  Kanina pa silang sumasayaw ni France at bago noon, sila ni June.

Lumalim pa ang gabi at nagkaroon ng pagkakataon na isayaw ng dalawang guys ang tatlong girls.  Halos lasing na silang lahat liban kay June.  Pinakamaraming nainom si Athena dahil ito ang naiiwan madalas sa table.  Tequila ang nakita ni June na kinakarir ng dalaga.  Halos tubig o juice ang lakas iniinom sa sunod-sunod na shots na ginawa. Kaya ito halos wala nang malay sa malambot na upuan nila.

Ilang minuto pa at nagkayayaan nang umuwi.  Sabay-sabay silang umexit sa bar at halos buhatin ni June si Athena.  Umiwas talaga ng tulong si France at halata niya iyon. Walang kamalay-malay ang lahat na may naiwan sila sa bar.



No comments:

Post a Comment