Nagising si Mischele sa mahihinang yugyog ni Mhy. Malapit na raw sila sa Bangkok. Sinipat niya ng tingin ang lugar kung nasaan siya. Umabot ng pitong segundo bago muling rumehistro sa kaniya ang lahat ng nangyari bago siya makatulog. Hindi rin niya maintindihan ang mga pinag-uusapan ng mga kaibigan. Naririnig naman niya ang mga ito pero wala talaga siyang maunawaan.
May something tungkol sa mga plano ang pinagkakaabalahan ng mga ito. May mga argumento at tanong sa kaniya. Lahat ay tinanguan niya dahil nga namamanhid pa ang isipan niya sa mga oras na iyon.
“So that’s final then,” konklusyon ni Mhy habang tumango-tango ang iba pa. Pati siya tumango.
Maski ‘yung turbulence walang epekto sa kaniya. Ganon kamanhid ang pakiramdam niya. Tinulungan siya ng isang flight attendant sa mga bag niya. Para siyang zombie na naglakad, di alintana ang mga nangyayari sa paligid niya. Maski isip niya blangko. Basta, sumunod lang siya sa agos ng mga taong papalabas ng eroplano.
Kinamamayaan, rumehistro na rin ang mga kaganapan. Nag-umpisa na siyang magsalita.
“Ui! Si Liam Rodriguez di ba kasama natin sa eroplano?” basag niya sa pag-uusap nina Mhy, Kriza at Athena.
Parang na-shock ang mga ito sa sinabi niya, as in laglag panga. Feeling niya tuloy may mali siyang sinabi or sadyang di alam ng mga ito ang nangyari sa eroplano. Di na niya pinahaba pa ang usapan.
Hayaan na nga, wika niya sa sarili. Di naman sila natural na interesado sa mga aktor. Knowing them... mas maii-starstruck pa ang mga ito sa mga libro. Ganoon ka-weird ang grupo nila.
Matapos ang lahat mga transaksiyon at palabas na sila ng airport, nilapitan sila ng isang lalaking matipuno at may magandang ngiti. Kilala naman ito ng mga kaibigan niya kaya kahit naguguluhan siya, sumunod na lang siya sa parada ng mga ito hanggang makalabas sila.
Laking gulat niya nang may van agad na pumarada sa harap nila. Di niya akalaing inasikaso pa pala ng isa sa mga kaibigan niya ang transportation nila. Ang alam niya magtataxi lang sila... o baka van ang gamit ng mga turista sa Bangkok? Hindi niya pa alam dahil first time niya rin sa bansa.
Pagkabukas ng pintuan ng van, napaatras bigla si Mischele. Nasorpresa siyang may dalawa pang lalaki sa loob liban sa driver. At pamilyar ang mukha ng isa sa kanila kahit na nakasuot ito ng malaki at kulay itim na shades.
“Liam Rodriguez?!”
Napalingon nanaman ang lahat sa kaniya sabay tawanan. Obviously, narealize nilang walang naintindihan ang bagong gising na si Mischele sa mga pinaguusapan nila. Kung sa bagay, notorious siyang heavy sleeper at parang zombie after ng mahabang tulog.
Nakangiti si Liam habang mapanuksong nagsabi, “Lady, that’s the second time you actually exclaimed my name. Don’t you have anything more to say?” Tawanan ulit.
Alam niyang namumula siya. Buti na lang pinili ng mga kaibigan niyang di na pansinin pa ito, bagkus sunod-sunod silang pumasok sa loob ng van. Magsasabi pa sana siyang ayaw niya pumasok pero para namang childish siya kapag ganoon. Worse, itinabi pa talaga siya kay Liam na nakangising nag-aabang sa kaniyang umupo, hindi hinihiwalay ang tingin. Oo, ramdam niya ang tingin nito kahit pa nakukubli ang mga mata nito ng nakakaasar na shades!
Nag-explain si Kriza tungkol sa pagkagulat ni Mischele.
“Guys, pasensiya na. Talagang ganyan si Shelley pagkatapos ng mahimbing na pagkakatulog. Wala siyang pakiramdam, may naririnig pero walang nauunawaan. Para lang siyang naka-auto pilot mode, going along with the tide ang galaw,” sabi nito sa pagitan ng mga hagikhik.
‘Pag tapos ng kumento ni Kriza, kinuha ni Mhy ang oportunidad upang ipakilala sa kaniya nito ang mga bago nilang kasama.
“Shelley, si June ‘yung nasa dulo... si France ang kasama natin at siyempre, si Liam.” Tumango lang siya sa mga pinakilala.
Kuwentuhan ng todo ang mga girls at boys. Parang matatagal na silang magkakaibigan. Ang tipikal na supladang si Kriza, at ease rin sa mga bagong kakilala. Ang katabi naman niyang si Liam pasundot-sundot sa pagtatanong. She mentally noted na hindi pala ito suplado sa personal kahit na tinagurian siyang snob ng marami. Talagang tahimik lang siguro ito. Kung tutuusin mas suplada pa nga ang dating niya dahil ‘pag nasagot siya, tipid. Feeling niya lang kasi, out of place siya.
Nakuntento lang siya sa pakikinig at pagtango. Minsan ninanakawan niya ng tingin ang katabi para makita pa lalo ang mukha nito. Sa mga bagong celebrity, si Liam ang crush niya. Konti lang naman dahil may iba nang nagpaptibok sa puso niya.
Ang tangos ng ilong! Sabi niya sa sarili sa tuwing masusulyapan niya ang mukha nito. Di siya nagpapahalata pero starstruck din siya. Lakas ng dating ni Liam, eh. Para siyang si Adonis-Narcissus-Apollo sa kagwapuhan. Matangkad, nasa six feet. Nasa five-two lang siya at petite pa ang frame samantalang napakamatipuno ni Liam... broad shoulders kaya naman nanliliit siya. Sigurado siyang six packs ang abs na tinatago nito sa loob ng v-neck, pink t-shirt niya.
Carry niya ang pink. Nagiging masculine ang typically girly color.
Namalayan na lang niyang medyo dumarami na ang kaniyang obserbasyon sa artista at napahiya siya sa sarili. Narito siya sa Bangkok ngayon para magbakasyon, ayusin ang sarili at alisin sa sistema niya si Fritz nang hindi gumagamit ng panakip butas o maghanap man lang ng pamalit. Hindi! Kahit naghiwalay sila, malaki pa rin ang respeto niya sa dating kasintahan.
Pagkarating sa hotel, nagcheck-in agad sila at pumunta sa kani-kanilang suite. Royal treatment ang mga ito pagkarating ng hotel. It has something to do with France, actually. Later, binulong sa kaniya ni Liam na VIP sila sa hotel dahil ninong ni France ang may-ari.
Pina-up grade ni France ang mga suite nila kahit na nag-insist silang apat magkakaibigan na manatili sa room nila. Kaso, hindi pinansin ni France ang pagprotesta nila. Aniya, nakakahiya na di niya alagaan ang mga magaganda niyang kaibigan. Sa huli, wala rin silang nagawa kundi sumunod pero sinabi nilang di sila kukuha ng individual rooms. Magsasama sila sa isang room.
“Fine by me,” kibit-balikat na sagot ni France.
Nang dalhin sila ng mismong manager sa kanilang room, halos nakanganga si Athena sa sobrang glamorosa at laki ng family suite na ibinigay sa kanila. Tatanggi ulit sana si Mhy ngunit in-insist ng manager na ito raw ang binilin sa kanila. Bago ito umalis, nagbilin itong nagpareserba na ng breakfast table si France.
Pagkasara ng manager ng pinto nila, sabay-sabay silang nagtitili at tumakbo upang mamili ng sarili nilang space. Si Kriza ang unang nakahanap ng gusto niyang bed. Ang bilis talaga ng bulinggit, naisa-isip nina Mhy, Athena at Mischele.
Hindi naman sila nainggit sa napiling spot ni Kriza dahil wala kang itatapong corner sa suite na ‘yon. Lahat ng sulok may taste, class at elegance. Kompleto na rin ang buong suite. Naroon na ang dining, kitchen, entertainment room at isang munting bar. They will surely enjoy hanging out here, at sa personalidad nilang apat siguradong mas gugustuhin pa nilang magstay sa loob ng suite at magsulat na lang.
Tumikhim muna si Mhy bago magsalita.
“Girls, alam ko kung ano ang temptation na pumapasok sa inyo ngayon. But vacation is vacation. Bawal ang magstay dito sa room ng matagal. Bawal ang magsulat ng mahaba. Bawal ang magtrabaho. Maliwanag ba ang mga rules?” At nakuha pa nitong mamewang.
“Lalo ka na, Shelley! Alam naming workaholic ka. Pero ikaw ang namili ng bakasyon na ito. Ikaw ang host dapat.”
“Yes, ate,” sagot na lang ni Mischele para matapos na ang pagmamando sa kanila ni Mhy. Kapag may naisip pa ito, tiyak na idaragdag pa sa rules. It’s really bad na siya pa ang nagyaya ng bakasyon. The room sets her into writing mode. Kanina pa niya nararamdamang nanginginig ang kaniyang mga daliri sa pagkagustong tumipa ng keyboard ng laptop niya.
“Uuuuuh!” Nagulat sila sa tunog reklamo ni Athena. Ito ang pinaka-introverted sa kanila. Mas mahirap kay Athena ang lumabas given this kind of atmosphere. Well, ganyan talaga ang life, anas ni Mischele sa sarili. You’ll have to adjust to fit... katulad ng ginagawa ko ngayon.
Nag-iba ang timpla bigla ng mukha ni Mischele. Naalala niya bigla na gusto rin ni Fritz pumunta sila ng Bangkok noong isang taon kaso nagkasunod-sunod ang mga projects niya. Nagkaroon siya ng opportunity for screen play for a movie, adaptation ng isa niyang romance novel. Napostpone ang balak nila at ngayon nga lang natuloy subalit di na niya kasama ito.
Nakita naman ng mga kaibigan ni Mischele ang pagbabagong ekspresyon nito. Kaya to the rescue sila.
“Oh, wala nang oras. Mag-ayos na tayo at kailangang maganda tayo bago bumaba,” sabi ni Mhy.
“Hindi ba puwedeng matulog muna? Idlip lang ng ilang minuto ang nagawa ko kasi madaldal ang katabi ko,” patuksong reklamo naman ni Athena sabay irap sa direksyon ni Kriza.
Sumimangot muna ang pinakabatang miyembro ng grupo bago tinapunan ng sagot si Athena.
“Enjoy ka rin naman, ah!” sambit nito sabay dila.
“At saka girls,” singit naman ni Mhy. “Kahit guwapo ang mga boys na kasama natin, plus may isa pang certified hearthrob at isa pang epal na heatthrob din naman...” Kinilig pa ito bago nagpatuloy. “Behave, okay?”
“Ano ka ba? Siyempre naman!” At nag-apiran sina Mischele, Athena at Kriza. Pare-parehas nakangisi ng makahulugan. Ang alam kasi nila, si Mhy at France lang naman ang may “something” base sa mga naobserbahan nila. Kilala naman nila si Mhy, magaling itong magdala ng pakikitungo sa mga guys pero di pa ito nakakapag-commit sa isang seryosong relasyon. Ngunit iba ang chemistry nina France at Mhy.
Sasagot pa sana si Mhy dahil nakikita niya ang mga makahulugang ngiti at tingin ng tatlo subalit naputol ang sasabihin niya nang marinig ang katok sa pinto.
“Pasok,” Ito na lang ang nasabi niya.
“Girls, breakfast’s within thirty minutes sa room ni France.” Si Liam ang pumasok. Wala na itong salamin at kitang-kita ni Mischele kung gaano katisoy ang artista. Light brown ang mga mata nito which sets contrast sa jet black hair na noo’y mamasa-masa. Quick shower siguro, sabi niya sa sarili.
“Wow! You’ve got one glamorous room here,” kaswal na sabi ni Liam. Alam naman ng lahat na ang rich boy na ito ay sanay na sa mga mararangyang bagay. Wala lang sigurong masabi, wika ng malikot na isip ni Mischele.
Nakatingin siya ng husto sa mukha ni Liam nang mahuli siya nito. Ito nama’y sinuklian ang tingin niya, eye-to-eye tuloy sila. Sa pagkapahiya, tumalikod na lang si Mischele at nagmamadaling nagpaalam na maliligo lang saglit.
“What’s with your friend? Fan ko ba siya or hater?” Di maiwasang tanong ni Liam. Simula kasi ng makasama niya ang dalaga sa van, nahuhuli niya itong nakatingin pero di naman nakikipag-flirt. Kakaiba si Mischele sa lahat ng girls na nakapaligid sa kaniya.
Sa buhay niya bilang isang aktor, lagi siyang napapaligiran ng mga agresibong babae. Kahit saan siya magpunta, halos sinasamba siya ng mga kababaihan. Wala pa siyang nakilalang tulad ng bagong kakilala. Natutuwa siya for a change. Hindi nga siya halos maniwala nang sabihin ni France na di niya fans ang mga girls na gustong isama ng kaibigan. Pero inassure siya nito na “unadoring” females daw ang mga ito at harmless.
Napatunayan naman niya ito nang makilala at makasama sa van. Well behaved ang grupong ito, at hindi nga siya sinasamba. Walang lumilingkis sa kaniya. In fact, parang one of the boys ang bawat isa sa mga ito. Natural makitungo, parang matagal na silang magkakakilala kaya very comfortable siya. Kahit na may abnormality pa rin sa gusto niyang sense of normalcy, para sa kaniya perpekto pa rin ang ganito.
“Who? Mischele?” tanong ni Mhy. Si Mhy ang pinopormahan ng kaibigan niyang si France. Matangkad ito, balingkinitan ang pangangatawan at pakiramdam niya, ito ang magpapatino kay France.
“Duh, alangang ako,” sambit naman ng pinakamaliit sa lahat na si Kriza. Mestizahin ito at ayon nga sa obserbasyon ni June, malapit ang pagkakahawig nila ni Kriza. Napatingin siyang bigla ulit dito. Somehow, may nararamdaman siyang sense of familiarity pero di niya ma-place. Parang naaalala niya ang kapatid niyang babaeng nawala sa kanila gawa ng bagyo.
“Hindi mo ‘yun hater for sure,” wika naman ng pinakatahimik na kasapi ng grupo. Sa pagkakaalala niya, Athena ang pangalan nito. Nakita niya ang simple nitong ganda at alam niyang may igaganda pa ito, ayusin lang ang sarili. Masyado kasing makapal ang rim ng salamin nito. Tall and slender ito, at malaki ang potensiyal maging modela. Kakaiba ang pagkaitim ng buhok nito, nakita niya kaninang may hint ng dark-blue na nakita niya lang minsan sa isang Japanese model na naging ka-fling niya.
“’Yun nga lang di mo rin fan. Hindi naman kasi ‘yun palanood ng TV nagsusulat lang siya ng mga...urf,” Di na natapos ni Athena ang sasabihin dahil tinakpan ni Mhy ang bibig nito.
“Writer pala siya,” sabi na lang ni Liam pero naguluhan siya nang takpan ni Mhy ang bibig ng kaibigan. Bakit kaya? tanong niya sa sarili.
Samantala, tinapunan ng matalim na tingin ni Mhy si Athena. Nainis naman si Athena sa sarili dahil nadulas siya. Napagkasunduan nga pala nilang huwag ipaalam na mga sikat silang writers. Each of them is notoriously popular by their pen names only. At ayaw na ayaw nilang may nakakaalam ng identity nila.
“Ah, oo. Hindi sikat. A-hahahahahaha!” ninenerbiyos na sambit naman ni Kriza.
Paobvious naman itong si Kriza, eh. Nanlalaki na ang mga mata sa kaniya ni Mhy.
Napakamot na ang ng ulo si Liam. Why the sudden change? Minsan talaga, naguguluhan siya sa mga babae. Hindi sila ma-spell, naisa-loob niya.
“Sige na Liam. Mag-aayos muna kami,” sabi naman ni Mhy. Tinataboy naman na siya ngayon. Napakiskis na lang siya ng palad sa baba tanda ng kaniyang pagkalito habang papalabas ng kwarto ng mga ito.

No comments:
Post a Comment