Travelling Incognito: Prologue





Masakit ang naging break-up nila ni Fritz kaya nagpasiya si Mischele na mag-travel abroad.  Besides, matagal-tagal na rin nang makapagbakasyon siya.  Simula kasi nang maging fiction writer siya, halos wala na siyang inatupag kundi magsulat at i-meet ang mga deadlines.  Napakagat na lang siya ng labi.  Alam niyang ang trabaho niya ang kauna-unahang dahilan ng pagkakalayo ng loob sa kaniya ng kaniyang boyfriend.  Kinulang siya ng panahon, atensiyon at pag-aaruga. Kapag nagkikita sila nito, para siyang zombie na di makausap ng boyfriend. 

Naalala niya pa ang gabi ng paghihiwalay nila.  Sa veranda ng kanilang paboritong restaurant kung saan nag-umpisa ang relasyon nila bilang magkasintahan, doon din nito napiling wakasan ang lahat.

“Shelley, I think this relationship isn’t gonna work,” basag nito sa matagal na katahimikan.

Pakiramdam niya tinauban siya ng malamig na tubig ng waiter sa kaniyang ulo, with matching ice cubes pa.  Okay naman ang pag-uusap nila habang kumakain.  Nagkakatawanan pa nga, although may mga awkward moments.  Akala niya siya lang ang may problema... at bingo, siya nga!

“May iba na ba?” marahan niyang tanong kahit gusto na niyang humagulgol.  Nangingilid ang mga luha sa kulay tsokolate niyang mga mata, nagbabantang bumuhos pero pinilit pa rin niyang magpakahinahon.

Umiling si Fritz.  Nakaramdam siya ng pag-asa pero muli ring napawi sa mga binitiwang salita ng binata.

“But interesado ako sa isang girl.”

Pakiramdam ni Mischele, may nawalang bagay na tumitibok sa dibdib niya.  Doon niya nalaman ang buong kahulugan ng mga katagang ‘hallow inside.’ Nawala ang mga nangingilid na luha.  Pero katulad lang pala ito ng pagbabadya ng pagdating ng tsunami.

“Kilala ko ba?” pangahas niyang tanong pero bigla siyang kumambyo. Bigla na lang kasing may sumalpok na mainit na pakiramdam sa kaniya.  Unti-unti niyang nararamdaman ang galit kahit hindi niya matukoy kung para talaga ito kay Fritz o para sa sarili niya.

“No, please... don’t answer that.” ‘Yun lang at tinalikuran niya si Fritz, sabay lakad palayo.  Lumabas siya ng restaurant at pinara ang isang taxi na timing na napadaan paglabas niya ng restaurant.

Maganda pa naman sana ang gabi. Bilog na bilog ang kulay pilak na buwan.  Akma para sa isang romantic night.  Kung kailan siya nagkaroon ng pagkakataon para i-enjoy ang gabi kasama ang kasintahan, noon naman nito napiling wakasan ang kanilang relasyon.  It was unfair, ika nga niya.  On the other hand, masakit din ang katotohanang siya rin ang mismong dahilan ng desisyong ‘yon ni Fritz.

Mabuti nalang at wala ang kaniyang mga magulang at mausisang kapatid na si Alice dahil nag-dinner ang mga ito sa bahay ng business partner ng kaniyang daddy. Pati ang dalawa nilang katulong ay pinag-day off din. Hindi niya kailangang mag-explain sa mga ito kung bakit nagkakalat ang maskara niya at umaatungal na parang banshee.

Sa madilim na sulok ng kanilang garden, doon niya ninamnam ang samu’t saring nararamdaman hanggang sa tuluyang  mapagod.  Parang bata siyang nag-swing ng malakas habang nakatingin sa mga bituin.  Di na niya pinansin pa na di siya sinundan ni Fritz, bagay na lagi nitong ginagawa kapag inaabot siya ng sumpong at nagwo-walk out siya. 

Oo, nakuha nga niya ang pinapangarap niya.  Isa na siya sa mga de-kalibreng contemporary writers ng Pilipinas sa edad na dalawampu’t limang taon pa lang.  Kung tutuusin, si Fritz ang isa sa mga tumulong sa kaniya maabot ang pangarap niyang ito.  Naging super supportive ito sa kaniya.  Kapag malapit na ang deadline at kailangan na niyang magpuyat, pumupunta ito sa kanila para lang maghanda meryenta, kape at energy drinks niya.  Hindi lang siya taga-puno ng moral support, siya rin ang nagsisilbing inspirasyon ni Mischele. 

Akala niya mananatiling ganoon ang lahat at nasanay na rin lang siya na laging nasa tabi niya ang boyfriend.  Sa sobrang kalasingan sa trabaho, di na niya napansing di na rin pala ito nagpupunta nang madalas sa kanila. May mga senyales na pala ng unti-unti nitong pagkawala. Hanggang sa ito na nga, tuluyan na itong nawala sa kaniya.  Naiisip niya tuloy... naging pambayad niya si Fritz sa kaniyang mga pangarap at ambisyon.

Namalayan na lang niyang kinuha ng kanang kamay niya ang cell phone mula sa kaniyang hand bag at automatic na tinawagan ang numero ng kaniyang editor.

“I need a break.  Mag-a-out of the country muna ako.”  Propesyonal ang kaniyang tono, halos banyaga sa kaniyang pandinig.  Nagtanong lang ito kung ilang araw.  Nang sabihin niyang dalawang linggo lang naman, agad din itong pumayag.  Naisip niyang marahil ramdam nito ang nakatagong sense of urgency sa kaniyang boses.

Sunod, nag-group message siya ng ang mga kaibigang sina Kriza, Athena at Mhy na lahat ay pawang mga manunulat katulad niya.

Girls, pupunta akong Thailand.  Sino ang gustong sumama?


By midnight, bawat isa sa kanila ay nakaag-reply ng, “I’m in.”




continue to the next chapter: CHAPTER 1

No comments:

Post a Comment